Kumpiyansa ang Commission on Election (Comelec) na matatapos nila ng mas maaga ang pag-imprenta ng mga balotang gagamitin sa nalalapit na May 13 elections.
Umaabot na umano sa 50 million ang nalilimbag ng National Printing Office (NPO) mula nang simulant ang ballot printing hanggang noong nakalipas na Huwebes, Marso 28.
Inihayag ni Comelec Spokesperson James Jimenez, halos 80 porsyento o mahigit 49,500,000 na ang naiimprenta ng NPO mula sa target na 63,662,481 na balota.
Ayon kay Jimenez, ang mga balotang para sa dalawang rehiyon na lamang, na kinabibilangan ng National Capital Region (NCR), ang kinakailangang matapos.
Matatandaang, sinabi ng Comelec na April 25, inaasahan nilang makukumpleto na ang mga balota para sa darating na eleksyon sa buwan ng Mayo.