Tinatayang 15 Milyong Pisong halaga ng mga imported na sigarilyo na nakalagay sa 40 footer container van ang hinarang ng Bureau of Customs sa Mindanao Container Terminal sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Batay sa mga dokumento ng Customs, deklaradong disposable diapers ang nilalaman ng container van subalit nang buksan ay tumambad sa BOC ang 800 kahon ng sigarilyo na nakatago sa box ng mga diaper.
Ayon kay Atty. Teddy Raval, Deputy Commissioner ng BOC Intelligence Group, nagmula ang shipment sa Singapore at noon pang December 13 dumating sa Tagoloan.
Naka-consign ang kontrabando sa Black Petal Commercial sa Barangay Tablon, Cagayan de Oro City subalit hindi naman sumipot upang i-claim ang shipment kahit pa dalawang beses ng tinawagan ang naturang consignee.
By: Drew Nacino