Aabot sa 800 kilo ng mga karne ng baboy ang natagpuang sunog sa isang dike sa tabi ng Cagayan De Oro River.
Batay sa ulat, ilan sa mga nakitang karne ang nabubulok na at may mabaho na ring amoy.
Ayon kay Dr. Darryl Rasay, senior meat inspector sa Cagayan De Oro City, agad na nilang ibinaon sa lupa ang mga natagpuang karneng baboy lalo’t mapanganib aniya ito sa kalusugan.
Patuloy ding iniimbestigahan ng City Veterinary Office sa lungsod ang pinagmulan ng mga nabanggit na karneng baboy.
Kasabay nito, pinawi ni Rasay ang pangamba ng mga residente sa Cagayan De Oro at bahagi ng region 10 at tiniyak na nananatiling ligtas mula sa African Swine Fever ang kanilang lugar.