Tuloy-tuloy ang hiring ng Department of Education o DepEd ng mga bagong guro para sa school year 2018 – 2019.
Ayon kay Education Undersecretary Tonisito Umali, nasa mahigit walumpung libong (80,000) bagong guro ang target nilang makuha ngayong taon na layong mapababa pa ang teacher-student ratio lalo na sa mga paaralang may malaking populasyon ng mga estudyante.
Gayunman, nilinaw ni Umali na sapat ang mga guro sa buong bansa.
Sa tala ng DepEd, mayroon silang humigit kumulang pitong daang libong (700,000) teaching personnel habang mahigit pitongdaan at limampung libo (750,000) naman ang non-teaching personnel.
“Dahil gusto po natin mahilang pababa ang ratio further to the following, 1 is to 25 sa lahat ng kindergarten classes natin, ayaw natin na may kindergarten class na lumalagpas sa 25, 1 is to 35 for Grades 1 to 3, ‘yan po ang ideal ration na gusto nating makuha teacher to pupil ratio, 1 is to 40 for Grades 4 hanggang senior high school, gusto natin na maski pagdating ng Grades 4 to 6 pa lamang, ‘yun dati nating ginagawa na isang guro lamang para magturo lahat ng asignatura mula kinder hanggang Grade 6, gusto natin mabago ‘yan though nabago na natin ‘yan dati pero gusto natin sa lahat ng paaralan na may 5 guro na nagtuturo sa tatlong section.” Ani Umali
Samantala, patuloy namang hinihikayat ng DepEd ang mga nagtapos ng kursong edukasyon na magturo dito sa Pilipinas at maging bahagi ng programa ng DepEd.
“Kaya nga meron tayong programa kasama ang DOLE na bumalik sana ang lahat ng guro o ang mga nakatapos ng Education hinihikayat nating bumalik para po makapag-kuha sila ng licensure examination for teachers para makakuha sila ng lisensya na makapagturo sa ating basic education schools, pero sa mga guro na, meron po tayong programa na “Sa Pinas, Ikaw ang Sir at Ma’am”, meaning dito sa ating bansa ikaw ang tinatawag na Sir at Ma’am na hindi po nangyayari kung nandiyan tayo sa ibang bansa.” Pahayag ni Umali
(Ratsada Balita Interview)