Mas mataas pa sa inaasahang 85 porsyento ang bilang ng mga boto sa idinaos na unang araw ng plebisito kaugnay sa Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ipinabatid ito ni Commision on Elections Comelec Spokesman James Jimenez sa gitna na rin nang patuloy na canvassing of votes sa ibang lugar kung saan ginanap din ang plebisito.
Ayon sa Comelec, nasa halos tatlong milyong rehistradong botante sa mga lugar na sakop ng plebisito ang bumoto sa mahigit 9,000 presinto na tinipon sa halos 2,000 voting center sa mga rehiyong tinukoy bilang bahagi ng panukalang Bangsamoro Region.
Isinagawa ang plebisito nuong Lunes sa mga lugar na sakop ng ARMM, Isabela City sa Basilan at Cotabato City.
Idaraos naman sa February 6 ang ikalawang araw ng plebisito sa ilang lugar sa Lanao del Norte maliban sa Iligan City at anim na bayan sa North Cotabato.