Inirekomenda ng NBI Special Action Unit (SAU) sa Ombudsman na kasuhan ng kriminal at administratibo ang 86 na personalidad na umano’y sangkot sa pastillas scheme.
Sa kanilang reklamo tinukoy ng NBI SAU ang walong mataas na opisyal ng Bureau of Immigration (BI) bilang bahagi ng pastillas group at idinawit si dating Chief of Port Operations Division na si Marc Red Marinias na Immigration Officer 2 bilang mastermind.
Isinama ng NBI ang lahat ng terminal head ng terminal control and enforcement unit sa NAIA 1, 2 at 3 at over all head ng BI border control and intelligence unit bilang bahagi ng umano’y sindikato.
Batay pa sa reklamo maliban sa bribe money ilang miyembro ng grupo ang nakatanggap ng mga regalo at iba pang benepisyo kabilang ang sexual favors mula sa mga dayuhang kababaihan na dawit sa human trafficking.
Ayon kay NBI SAU Chief Atty. Jun Donggallo Jr. malakas ang nasabing kaso laban sa mga naturang personalidad dahil may mga ibinunyag at ebidensyang inilabas si Immigration Officer Dale Ignacio na ikalawang whistle blower ng NBI.
Si Ignacio aniya ay maituturing na “insider”, bahagi ng exclusive viber group ng sindikato at may mahalagang papel bilang tagapangalaga ng listahan ng Chinese nationals na pinaboran ng grupo.