87% ng mga Pilipino ang nangangamba na baka mahawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang kanilang mga mahal sa buhay.
Ito ang lumabas sa pinakahuling mobile phone survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) mula Mayo 4 hanggang 10 ng taong kasalukuyan.
Sinasabing mahigit 4,000 working-age Filipino’s sa buong bansa ang lumahok sa survey kung saan lumabas din na 13% sa mga respondents ay hindi nangangambang dapuan sila ng virus.
Kumpara sa mga nakaraang SWS surveys, mas nag-aalala ang mga Pinoy sa coronavirus kumpara sa Ebola, swine flu, bird flu, at Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS).
Ayon pa rin sa SWS, mas maraming mamamayan ang takot na madapuan ng COVID-19 sa mga lugar na nasa enhanced community quarantine (ECQ) na 88% at general community quarantine (GCQ) na 86%.