Hindi tatantanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang problema ng bansa sa iligal na droga hangga’t hindi ito nabibigyang solusyon o natutuldukan.
Iyan ang tiniyak ng Malakanyang kasunod ng ulat na may 87 pulitiko na kabilang sa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang mga narco – politician.
Ngunit ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, dadaan muna sa tamang proseso at pagbusisi ang naturang lisatahan bago ito isapubliko.
Kailangan aniyang makatiyak na sangkot nga ang mga ito sa kalakalan ng iligal na droga para mapanagot sa batas ang mga ito na siyang sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan.
PDEA ipinagmalaki ang kanilang tagumpay vs iligal na droga
Aabot sa 228 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang droga ng PDEA.
Ito ang ipinagmalaki ni PDEA Director General Aaron Aquino sa loob ng isandaang araw ng kanyang pamumuno sa PDEA mula Setyembre 12 hanggang Disyembre 20.
Mahigit isanlibo at tatlongdaan (1,300) naman aniya ang kanilang naaresto kung saan, tatlongdaan (300) dito ang itinuturing na high value target tulad ng pulitiko, artista, pulis at mga banyaga.
Nasa apat na milyong Pilipino din aniya ang naabot na ng kampaniya kontra droga kung saan, karamihan sa mga nakukumpiska ng PDEA ay mga shabu at marijuana.