Tuluy-tuloy ang clearing operations sa Marikina City matapos matinding maapektuhan ng Bagyong Ulysses.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na nagsabing halos 9,000 residente ng lungsod ang wala pa ring suplay ng kuryente kaya’t patuloy ang apela nila sa Meralco para maibalik ang power supply.
Halos 4,000 pamilya naman aniya sa Marikina ang pansamantalang nasa evacuation centers matapos masira ang kanilang mga bahay dulot ng Bagyong Ulysses.
Marami pa ring lugar na walang kuryente kaya nakikipag-ugnayan tayo sa Meralco. 8,800 households pa ang walang kuryente rito sa Marikina. Meron kaming 3,785 families na nasa evacuation center pa, mga 15,000 indibidwal, dahil hindi makauwi sa kanilang bahay dahil nakalubog pa sa putik.’Yung iba naman, nakakalungkot, nawalan ng bahay, nasira, ‘yung iba partially damaged,” ani Teodoro. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas
Marikina gov’t kokonsulta sa experts ginggil sa matinding pagbaha sa lugar
Kokonsulta sa experts ang Marikina City Government sa tunay na pinanggalingan ng matinding tubig baha na naranasan ng lungsod sa kasagsagan ng Bagyong Ulysses.
Ayon ito kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro matapos lumabas sa initial assessment nila na hindi lamang galing sa ulang dala ng Bagyong Ulysses ang dahilan ng matinding pagbaha sa kanilang lungsod.
Sa aming data analytics, sa rainfall reading namin, may mga monitoring station kami, e, sa upstream areas ng Marikina, hindi naman galing lang sa land itong tubig na ‘to. Sinasabi nung iba, run-off water dahil kalbo na ‘yung kabundukan, wala nang pumipigil sa tubig na nanggagaling sa itaas, pwede rin naman ‘yon,” ani Teodoro. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas