Nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang may 8,000 sako ng hinihinalang puslit na bigas sa isang barko sa karagatang sakop ng Siromon Island sa Zamboanga City.
Lulan ang mga nabanggit na smuggled rice ng barkong M/L Julmina na nagmula pa umano sa Sandakan, North Borneo sa Malaysia.
Namataan ang nasabing barko ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard, mga pulis at opisyal ng barangay sa isinagawa nilang seaborne operation.
Naaresto sa nasabing operasyon ang kapitan ng barko na kinilalang si Ladjid Muksan Nasaid gayundin ang mga tripolante nitong sina Rafsujil Lakian at Alazar Lakian at 8 iba pa.
Wala umanong maipakitang dokumento ang mga sakay ng barko nang tumambad sa mga otoridad ang saku-sakong bigas na lulan ng barko.
By Jaymark Dagala