Siyam (9) na emergency field hospitals ang itinayo ng Philippine Red Cross (PRC) sa Lung Center of the Philippines para maibsan ang pagdami ng mga pasyenteng may coronavirus disease 2019 (COVID-19) na itinatakbo rito.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Senador Richard Gordon, ang lahat ng COVID-19 positive na nangangailangan ng x-ray, CT scan, laboratories at medical facilities ay uubrang dalhin na sa emergency field hospitals.
Magsisilbi aniyang extension ng Lung Center ang ipinatayo nilang emergency hospitals dahil sa patuloy na kakulangan ng hospital beds sa naturang ospital.
Ipinabatid ni Gordon na magkakatuwang na mag-a-assist sa mga pasyente sa naturang emergency hospitals ang mga staff ng PRC, volunteers, kinatawan ng Philippine Medical Association at Philippine Nurses Association.