Kasado na ang 9-kilometer danger zone ng Albay Public Safety and Emergency Management Department kaugnay sa pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Katumbas ito ayon kay Albay Public Safety and Emergency Management Department Head Dr. Cedric Daep ng 8 kilometer danger zone na itinakda ng PHIVOLCS matapos itaas sa alert level 4 ang sitwasyon ng bulkang Mayon.
Sinabi pa sa DWIZ ni Daep na higit pa nilang babantayan ang aktibidad ng bulkang mayon para sakaling maglabas ito ng pyroclastic materials ay mas marami pa silang mae-evacuate.
Ngayong araw na ito inaasahan aniya nilang makukumpleto na ang evacuation mula sa 9-kilometer danger zone katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno.
“Meron kaming inter-municipality sa implementation ng evacuation namin, yung sa Sto. Domingo dahil wala na silang kakayahang mag-evacuate within their municipality magkakaroon po kami ng implementation ng inter-municipality evacuation, available naman po ang ating mga sasakyan, ng military, LGUs, nagtutulungan naman po kami dito kaya walang problema.” Pahayag ni Daep
‘Hazardous eruption’
Higit na magiging delikado at asahan na ang pagsambulat ng bulkang Mayon sa mga susunod na araw.
Ito ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS Director Renato Solidum ang mahigpit nilang binabantayan dahil sa patuloy na lava fountaining ng nasabing bulkan at delikado rito ang paggulong ng mga maiinit na bato mula sa tuktok ng bulkang mayon.(solidum)
“Ang nangyayari kasi ngayon ay mainly lava fountaining, kapag ganyan ang nangyayari ay maikli ang inaabot at ang pagdaloy ng lava ay hindi masyadong delikado, ang delikado diyan ay kung gumulong ang bato mula sa lava, ang talagang binabantayan natin ay ang sunod-sunod na eruption at paggulong ng mga bato at abo nang mabilisan pababa mula sa tuktok.” Ani Solidum
Binigyang diin pa ni Solidum ang mas mabilis na pag-akyat ng magma kaya’t itinaas na nila sa alert level 4 ang sitwasyon sa bulkang Mayon.
“Kapag sinasabi nating alert level 4 puwede namang sa mga susunod na araw, within the day nandiyan po yung alerto, kapag humina naman ang trend puwede namang ibaba sa alert level 3 pero sa kasalukuyan, mabilis ang pag-akyat ng lava, mas marami siyang gas kaya may mga lava fountaining at magta-transform yan sa mas matatayog na pagsabog.” Paliwanag ni Solidum
(Ratsada Balita Interview)