(Updated)
Patay ang siyam (9) na magkakamag-anak makaraang ma-trap nang masunog ang kanilang bahay sa Almazor St. Brgy. 185, Maricaban, Pasay City.
Kinilala ang mga biktima na sina Michael Calma, 44; mga anak na sina John Clark, 17; Mark Joseph, 23; at Andrew James, 11; at Julius Guablas, 39; misis na si Rheadela, 40, at mga anak na sina Jhulea Janet, 16; Nichole, 9; at Andrei James, 3.
Tanging si Jasmin Calma ang nakaligtas sa insidente nang tumalon ito sa bintana mula sa ikalawang palapag ng bahay.
Ayon kay City Fire Marshall John Pinagod, sumiklab ang apoy pasado alas-2:00 ng madaling araw at umabot lamang ito sa unang alarma.
Makaraan ang isang oras, agad namang naapula ang sunog.
Ang labi ng apat na biktima ay nakita sa likurang parte ng bahay, tatlo sa ilalim ng hagdanan, at dalawa naman sa ikalawang palapag.
Sinabi ni Jasmin na nakaamoy siya ng usok kaya nagising siya at tinawag ang kanyang asawang si Michael.
Sinubukan ni Michael na gisingin ang kanyang mga anak pero na-trap ito sa nalalagablab na apoy na mabilis na kumalat sa kanilang tahanan.
“Pagbaba ko po bigla na lang nagliyab ‘yung harapan namin. Hindi na po siya (Michael) makababa kasi ‘yung yero mainit na po. Sumisigaw ‘yung asawa ko, ‘Mainit, mainit’,” Pahayag ni Jasmin
“‘Yung anak ko, bago ako lumabas, sabi niya sa akin, ‘Mama, wala akong makita?'”
Maliban dito, sinubukan din ni Jasmin na gisingin ang kapatid niyang si Julius at iba pang miyembro ng pamilya pero hindi siya nagtagumpay.
Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng putok sa ilalim ng unang palapag ng bahay kung saan mayroong computer shop at sinubukan nilang sumaklolo.
Subalit nakarinig sila ng sunod-sunod na putok mula sa loob na hinihinalang dahil sa malakas na boltahe ng kuryente at mga tangke ng LPG o liquefied petroleum gas.
Sa ngayon inaalam pa ng mga awtoridad ang naging sanhi ng sunog.
#TINGNAN: Siyam ang kumpirmadong patay sa sunog sa Almazor St. Brgy. 185, Pasay City | via @gilbertperdez pic.twitter.com/pmryzBQlPZ
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) February 6, 2019
—-