Patay ang siyam na hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf matapos na maka-engkuwentro ang tropa ng pamahalaan sa Sumisip, Basilan.
Ayon sa 4th Special Forces Battalion ng Philippine Army, sinalakay ng mga tauhan ng 3rd Scout Ranger Battalion ang mga rebelde na pawang tagasunod ni Furuji Indama sa kanilang kuta sa Barangay Mahatalang.
Sinabi ni Brigadier General Juvy Max Uy, Commander ng Joint Task Force Basilan, mismong ang mga dating miyembro ng Abu Sayyaf na sumuko sa gobyerno, ang tumulong para matukoy ng militar ang kinaroroonan ng mga dating kasamahan ng mga ito.
Narekober din sa nasabing pag-atake ang dalawang mataas na kalibre ng baril, M-203 grenade launcher, medical supplies, at mga sangkap sa paggawa ng bomba.
—-