Nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalatayang Katoliko na sama-samang kumilos, magnilay at manalangin.
Ito’y sa harap na rin aniya ng pagtaas ng bilang ng mga nasasawi kaalinsabay ng pinaigting na kampaniya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Binigyang diin ng Kardinal na batid niya ang lalim ng problema sa iligal na droga kaya’t dapat itong masugpo ngunit iginiit nitong hindi aniya sa paraang marahas, madugo at kagimbal-gimbal.
Kasunod nito, ipinag-utos ng Kardinal sa lahat ng parokyang sakop ng Archdiocese of Manila na maglaan ng siyam na araw na panalangin para sa kapayapaan gayundin sa lahat ng mga nasawi sa kampaniya kontra droga.
Magsisimula aniya ang nobena ngayong araw hanggang Agosto 29, kasabay ng kapistahan ni Pope Pius 10 gayundin ang paggunita sa kamatayan ni San Juan Bautista.
“Huwag kang Papatay”
Maituturing nang gasgas at lumang script na ang dahilan ng mga pulis na nanlaban ang mga nahuhuli nilang drug suspect kaya ito napapatay.
Ito ang binigyang diin ni Archbishop Emeritus Oscar Cruz makaraang mapabilang ang 17 anyos na binatilyong si Kian Loyd Delos Santos sa mga napatay ng pulisya sa ikinasang ‘one-time, big-time’ drug operation ng Caloocan police.
Ayon kay cruz, mas masahol pa aniya sa mga terorista sa Mindanao ang diskarte ng mga pulis na tila pumapatay lamang ng ipis o daga sa kanilang mga operasyon.
Muling ipinaalala ng Arsobispo sa mga pulis na sagrado ang buhay ng tao at dapat isabuhay ng mga ito ang sampung utos ng diyos lalong lalo na ang ika-lima na nagsasabing “Huwag kang Papatay”.