Nakaramdam ng pananakit ng tiyan at pagkahilo ang siyam na estudyante sa Pangasinan matapos uminom ng palamig na ibinibenta sa kanilang paaralan.
Nabatid na ang mga estudyante ng Agdao Integrated School sa San Carlos City ay isinugod sa Pangasinan Provincial Hospital (PPH).
Ayon sa ina ng isa sa mga biktimang Grade 7 student, na-engganyo ang anak niyang bumili ng P5.00 chocolate drink na bagong timpla subalit nang tikman ng anak niya ay mapakla ang lasa at maasim.
Sumakit aniya ang tiyan ng kaniyang anak at nahilo ito.
Sinabi naman ni Dr. Stachys Neil Espino, Medical Officer 3 ng PPH na nalason ang mga estudyante sa pag-inom ng samalamig.
Dahil sa nangyari, ipinagbawal na ng principal ng paaralan na si Rolando Salvador ang pagtitinda sa loob at labas ng eskuwelahan bagamat nagmaka-awa ang mga ito dahil sa kanilang hanapbuhay.