Napigilan nang pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang tangkang pagpapasabog at panggugulo sa Mindanao.
Kasunod ito nang pagkakaaresto ng Joint Task Force Sulu at ng PNP sa siyam na babaeng hinihinalang suicide bomber na konektado sa Abu Sayyaf Group.
Kinilala ni Task Force Sulu Commander Major General William Gonzales ang ilan sa mga naaresto na sina Isara Jalmaani, Abduhajan Amin, Jedah Abduhajan at Elena Tasum Sawadjaan Abun na pawang mga anak ni ASG Leader Hatib Hajan Sawadjaan.
Nakumpiska ng mga otoridad ang iba’t-ibang gamit sa paggawa ng pampasabog nang isilbi ang arrest warrant laban kina Isara at Jedah sa bahay ng mga ito sa barangay Bangkal sa Patikul.
Isa pang hinihinalang suicide bomber na kinilalang si Firdauza Said Alias Fidausia Salvin na asawa ng napatay ding ASG leader na si Mannul Said ay kasamang naaresto ni Elena na balo naman ni ASG Leader Walib Abdun.
Ilan pa sa mga naaresto sa hiwalay na operasyon sina linda Darun Maruji, Risa Jhalil at Sharifa Rajani na residente ng Kalimayan village sa barangay Latih sa Patikul.
Ang mga suspek ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9516 o illegal possession of firearms and explosives. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)