Siyam na miyembro ng isang uniong kaalyado ng militanteng grupong Bayan o Bagong Alyansang Makabayan ang patay matapos pagbabarilin sa lungsod ng Sagay, lalawigan ng Negros Occidental kagabi.
Kinilala ng Negros Occidental Provincial Police Office ang mga biktima na sina Eglicerio Villegas, Angelipe Arsenal, Dodong Laurencio, Morena Mendoza, Necnec Dumagit, Bingbing Bantigue, isang nakilala lamang sa pangalang Peter at dalawang menor de edad.
Ayon kay Negros Occidental PNP Chief S/Supt. Rodolfo Castil, hind bababa sa apatnapung lalaki na pawang armado ang umatake sa mga biktima na pawang mga miyembro ng National Federation of Sugar Workers.
Sinasabing inokupa umano ng mga biktima ang isang pribadong lupa sa Hacienda Nene na pagmamay-ari ng isang Carmen Tolentino na nasa purok fire tree sa barangay Bulanaon.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang pananambang habang inaalam din ang pagkakakilanlan ng mga salarin.