Ikinatuwa ng 9 na opisyal ng Department of Education o DepEd sa Taguig City matapos silang i-absuwelto ng Office of the Ombudsman sa kasong Graft and Corruption.
Ito’y may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa bidding process para sa procurement ng food and accommodation para sa kanilang tatlong araw na ICT seminar na ginawa noong Agosto 23-25, 2018
Batay sa 3 pahinang desisyon ng Ombudsman, sinasabing wala silang nakikitang iregularidad o anumang iligal sa ginawa ng mga idinimandang DepEd officials.
Kabilang sa mga idinawit sa kaso ay ang dating School Division Superintendent na si Dr. Romulo Rocena, dating Assistant School Division Superintendent na si Dr. Carleen Sedilla at Chief Supervisor na si Dr. George P. Tizon.
Gayundin ang Legal Officer na si Atty. Analiza Esperanza, Supervisor na si Norman Quinn Arezza, Admin Officer 5 na si Kitche Altamia, Budget Officer na si Rebeca Balaquit at ang mga Accountant na si Rhea Ison at Jesus Bautista.
Dahil dito, nakatakdang buweltahan ng 9 na Local DepEd Officials ang mga nagsampa ng kaso laban sa kanila sa pamamagita ng isang Civil Lawsuit na may danyos na P14 milyon.
Sakaling magtagumpay ang isasampa nilang kaso, kanila ido-donate ang malilikom na pondo sa mga mahihirap na estudyante sa lungsod ng Taguig at sa iba pang eskwelahan sa Metro Manila.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)