Pormal nang sinampahan ng kasong administratibo ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang siyam na pulis na nakapatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu noong Hunyo.
Ayon kay PNP Chief Police General Camilo Cascolan, kabilang sa mga kinasuhan sina Police Senior Master Sgt. Aldelzhimar Padjiri, Master Sgt. Hannie Badiri, Staff Sergeant Iskandar Susulan, Corporal Suki, Andaki, Staff Sgt. Alumudzrin Hadjaruddin.
Gayundin sina Patrolman Moh. Nur Pasani, Alkajal Mandanag at Rajiv Patulan.
Sinabi ni Cascolan, maliban sa nabanggit na siyam na mga pulis, sabit din aniya sa kaso ang tatlong immediate superior ng mga ito na sina Sulu Provincial Dir. Police Lt. Col. Michael Bayawan, Jolo Municipal Station Chief Of Police Major Walter Annayo at Jolo Drug Enforcement Unit Chief Capt. Ariel Corcino.
Dagdag ni Cascolan, ipinatawag na sa Kampo Krame ang naturang tatlong police officers na posibleng sibakin din sa puwesto.
Una na ring sinampahan ng apat na bilang ng murder at pagtatanim ng ebidensiya ang siyam na pulis sa Jolo, Sulu. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)