Ipinag-utos na ng isang korte sa Sulu ang pag-aresto sa siyam na pulis na nasibak dahil sa pagkakasangkot sa pamamaril sa apat na Army intelligence operatives sa Jolo noong June 2020.
Bukod dito, ayon kay Prosecutor Honey Delgado ng Office of the Prosecutor General, nasa proseso na ng pagdinig ang korte kaugnay ng hirit na hold departure orders laban sa mga akusado upang hindi makalabas ng bansa ang mga ito.
Matatandaang nakakita ng sapat na basehan ang prosekusyon laban kina Senior M/Sgt. Abdelzhimar Padjiri; M/Sgt. Hanie Baddiri; S/Sgt. Iskandar Susulan; S/Sgt. Ernisar Sappal; Cpl. Sulki Andaki; Pat. Moh Nur Pasani; S/Sgt. Almudzrin Hadjaruddin; Pat. Alkajal Mandangan; at Pat. Rajiv Putalan para sa apat na bilang ng kasong murder at planting of evidence.
Samantala, umaasa si Philippine National Police (PNP) spokesperson, Brig. Gen. Ildebrandi Usana na susuko na sa lalong madaling panahon ang mga naturang pulis.