Sinibak sa kanilang puwesto ang 9 na opisyal at tauhan ng Manila Police District dahil sa marahas na dispersal ng mga raliyista sa harap ng US Embassy sa Roxas Blvd sa Maynila.
Tinangal muna ni Chief Supt. Oscar Albayalde, hepe ng PNP NCRPO ang mga pulis na responsable sa dispersal habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Kabilang sa mga sinibak sina Senior Supt. Marcelino Pedrozo, Deputy District Director for Operations ng MPD, Supt. Albert Barot, Station Commander ng MPD Station 5 at ang driver ng police mobile na sumagasa sa mga raliyista na si PO3 Franklin Kho.
Sa ngayon si Kho ay inilagay na sa kustodiya ng PNP NCRPO.
Matatandaan na patapos na ang programa ng mga nagra-rally na militante at mga Lumad nang maganap ang marahas na pagbuwag sa kanila ng mga pulis Maynila.
Kuhang-kuha sa video ang pagsagawa ng mobile ng pulis na minamaneho ni Kho sa mga raliyista kung saan lima ang tinamaan kabilang si Pia Maglayao na Spokesperson ng Sandugo.
Tatlumpung (30) raliyista ang nasugatan samantalang 29 ang inaresto subalit kalaunan ay pinalaya rin.
PNP Chief Bato
Nakalulungkot at nakakagalit…
Ito ang reaksyon ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa nang mapanood ang video kung saan sinasagasaan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang mga katutubo at militanteng nagprotesta sa harap ng US Embassy kahapon.
Ayon kay dela Rosa, kinikilala ng PNP ang karapatan ng mga mamamayan na maglunsad ng mapayapang kilos protesta.
Malinaw naman aniya ang kautusan sa mga alagad ng batas na ipatupad ang maximum tolerance sa tuwing mayroong mga protesta.
Tiniyak ni Dela Rosa na sumasailalim na sa imbestigasyon at full review ang insidente at tiniyak na ipapataw ang karampatang parusa sa mga pulis na mapapatunayang nagkasala at nagkulang sa pangyayari.
Sinabi rin ni Dela Rosa na nabalitaan na rin ang Pangulong Duterte kaugnay sa nangyaring madugong dispersal sa US Embassy.
By Ralph Obina | Jonathan Andal (Patrol 31) | Len Aguirre
Photo Credit: AP