Patay ang siyam na indibidwal, kabilang na ang isang bata matapos araruhin ng isang van sa Lal-Lo, Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng mga otoridad, binabaybay ng naturang sasakyan ang national highway sa barangay San Lorenzo nang mawalan umano ito ng kontrol sa pakurbadang kalsada.
Dito na nasalpok ng van ang balkonahe ng isang bahay bago tuluyan nitong mabangga ang isang tricycle kung saan, nakatambay ang ilan pang mga biktima.
Bukod pa dito, nasalpok din ng van ang isang nakaparadang SUV at isa pang bahay.
Sugatan sa aksidente ang driver ng van na kinilalang si John Vincent Domingo, 42 at isa pang kasama nito na si Allan Jay Parungao na kapwa army reservist na galing umano sa kampo ng 17th Infantry Battalion sa nabanggit na lugar at papunta na sanang apayao nang mangyari ang aksidente.
Dead-on-the-spot naman ang siyam na biktimang kinilalang sina Alladin Onate, Zalrita Maganay, Duarte Onate, Eric Onate, May Ann Martinez, Rosita Martinez, Charry Onate, Elisa Martinez at Jeric Martinez.
Patuloy pang iniimbestigahan ng awtoridad ang dahilan ng aksidente kung saan, posibleng maharap sa patung-patong na reklamo sina Domingo at Parungao.—sa panulat ni Angelica Doctolero