Siyam na miyembro ng isang malaking sindikato ng iligal na droga ang patay matapos makipag-barilan sa mga awtoridad sa bayan ng Matalam, North Cotabato.
Kinilala ang anim sa mga napaslang na sina Dadting Kasan, Intan Aban, Terereng Salping, Burad Salping, Mauntapo Aban at isang alyas Orong, na pawang katutubong Maguindanaon.
Nagsasagawa ng search operations ang pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, Matalam Municipal Police, North Cotabato Provincial Police at 7th Infantry Battalion nang makasagupa ang mga suspek sa barangay Kilada.
Ayon kay Regional Police Office-12 Spokesman, Superintendent Aldrin Gonzalez, ihahain sana ng mga awtoridad ang inissue na warrant ni Judge Alandrex Betoya ng Kabacan Regional Trial Court Branch 16 laban kina Kasan at Aban.
Gayunman, pinaulanan na ng bala ng mga suspek ang mga awtoridad na nauwi sa isang oras na bakbakan.
Narekober aniya sa hideout nina Kasan at Aban ang ilang gramo ng shabu, iba’t ibang high-powered firearms at bala kabilang ang isang home-made sniper rifle at rocket-propelled grenade habang naaresto ang isang babaeng kinilalang si Bai Intan na nagtangkang tumakas.
—-