Aprubado na ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Debold Sinas ang rekumendasyon ng PNP Internal Affairs Service (IAS).
Ito’y para tuluyan nang tanggalin sa serbisyo ang siyam na pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu nuong Hunyo ng nakalipas na taon.
Ayon kay Sinas, dumaan muna sa pagrepaso ng PNP legal department ang rekumendasyon ng IAS bago niya ito pagpasyahan.
Kabilang sa mga nasibak sa serbisyo ang mga pulis ng Jolo Municipal Police Station na sina S/MSgt. Abdelzhimar Padjiri; P/MSgt. Hanie Baddiri; P/SSgt. Iskandar Susulan; P/SSgt. Ernisar Sappal.
Gayundin sina P/SSgt. Almudzrin Hadjaruddin; P/Cpl. Sulki Andaki; Pat. Mohammed Nur Pasani; Pat. Alkahal Mandangan at Pat. Rajiv Putalan.
Kasunod nito, sinabi ni Sinas na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Justice (DOJ) para sa proper disposition sa siyam na pulis dahil mawawalan na sila ng poder sa mga ito dulot ng kawalan ng warrant of arrest.