Kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) ang 90 katao na responsable sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay Justice Secretary Leila de lima, 26 sa mga suspects ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front o MILF, 12 ang mula sa BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, 52 mula sa private armed groups samantalang ang iba pa ay walang kinaaanibang grupo.
Ipinaliwanag ni de Lima na batay sa imbestigasyon, aabot sa mahigit 1,000 ang umatake sa SAF subalit nasa 90 lamang ang kinilala ng mga nakuha nilang mga testigo.
Kasabay nito, nilinaw ni de Lima na ang kinasuhan nila ay para lamang sa pagpatay sa 35 sa SAF 44 na mula sa 55th Special Company na nagsilbing blocking force sa Mamasapano operations.
Hindi anya kasama rito ang mga nakapatay sa 9 na mula sa 84th seaborne company na naatasang umaresto kay Marwan dahil wala silang nakuhang testigo para rito.
By Len Aguirre | Bert Mozo (Patrol 3)