AABOT sa 90 porsyento o 73 sa 81 gobernador sa bansa ang nagpahayag na ng suporta sa kandidatura ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., kasabay ng kanilang pangako ng landslide victory sa darating na halalan sa Mayo 9.
Dumating sa BBM headquarters sa Mandaluyong nitong Linggo ng gabi ang 16 na governors para igiit ang kanilang suporta kay Marcos.
Ito ang ikalawang round ng pakikipagpulong ni Marcos sa mga gobernador para siguruhin ang tinatawag na “command votes” sa kanilang probinsya.
“Yung sinabi ni Chavit (Singson) na almost 90 percent ng governors are already for Bongbong. Totoo yun. Right now we have a new President,” ayon kay Quezon Gov. Danilo Suarez.
Tinutukoy ni Suarez ang pahayag ni Narvacan, Ilocos Sur Mayor at League of Municipalities of the Philippines President Luis Chavit Singson na dumalo rin sa pulong at inihayag na 90 porsyento ng mga governor sa bansa ang solidong sumusuporta kay Marcos.
“I don’t see any unprecedented event that can hamper the victory of Bongbong,” dagdag pa ni Suarez.
Nanawagan din si Singson na doblehin pa ang trabaho para masiguro na si Marcos ang kauna-unahang “majority president” simula nang ipatupad ang multi-party system sa bansa.
“Doble kayod pa rin tayo kahit sigurado na ang panalo natin. Kailangan ipakita natin na siya ang kauna-unahang majority president,” apela ni Singson sa mga gobernador.
Naniniwala naman ang mga gobernador na kayang-kaya isakatuparan ang apela ni Singson base na rin sa mga resulta ng survey na kadalasan ay lampas sa 50 porsyento ang voter preference ni Marcos.
“Yung appeal ni Chavit na gawin namin majority president, well that would be our job. It’s easy to sell BBM, eh maayos na eh” dagdag ni Suarez.
Ayon naman kay Isabela Gov. Rodito Albano, hindi na raw kailangan ng UniTeam na mangampanya sa kanilang probinsya.
“Maski hindi ko siya ikampanya sigurado siya sa amin. Mukhang mas mataas pa ang boto namin kay BBM keysa sa Ilocos,” ipinagyabang pa ni Albano.
Isusulong naman ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas na mabantayan ang boto ni Marcos kahit sigurado na ang panalo nito sa kanilang probinsya.
“Syempre panalo tayo dun but kailangang i-push pa rin. Kailangan bantayan. We have to show na that BBM is the solution. It’s really BBM na talagang nagpu-push para sa unity. At yan ang hinahanap nating lahat,” ani Mandanas.
Siniguro rin Bohol Gov. Arthur Yap, na karamihan sa mga Boholano ay iboboto ang BBM-Sara UniTeam.
“Sa Bohol may bagong survey kami kalalabas lang last Friday nasa 54 percent si BBM. Siyempre ta-trabahuhin pa natin yan pero wala na akong nakikitang problema,” saad ni Yap.
Dumalo rin sa pulong sin Governors Dax Cua ng Quirino; Susan Yap ng Tarlac; Jose Riano ng Romblon; Florencio Miraflores ng Aklan, Philip Tan ng Misamis; Occidental; Eduardo Gadiano ng Mindoro Occidental; Alexander Pimentel ng Surigao del Sur; Bonifacio Lacwasan, ng Mountain Province; Suharto Mangudadatu ng Sultan Kudarat; at former Gov Jun Ynares III ng Rizal.
Nito lamang nakaraang linggo, 10 ring gobernador ang naunang nakipagpulong kay Marcos kasabay ng paggiit ng kanilang suporta.
Bukod sa mga programa sa kanilang mga probinsya, pinag-usapan din kung paano mapo-protektahan ang boto sa kanilang mga lalawigan.
“Vote protection, yun ang aming napagusapan para makatiyak tayo na maganda ang takbo ng halalan. Mabilang lahat ng boto at hindi magka-problema,” sinabi ni Marcos.
Dumalo sa pulong sina Gobernador Dakila Cua, ng Quirino; Imelda Dimaporo, ng Lanao del Norte; Francisco Emmanuel Ortega III, ng La Union; Nancy Catamco, ng Cotabato; Esteban Evan Contreras, ng Capiz; Damian Mercado, ng Southern Leyte; Ferdinand Tubban ng Kalinga; Joy Bernos ng Abra; Jerry Dalipog ng Ifugao; at Camiguin gubernatorial bet Rep. Xavier Jesus Romualdo.