90% na ng mga national roads at mabuhay lanes sa kalakhang Maynila ang nalinis na mula sa mga sagabal.
Habang 60% naman sa mga tinatawag na inner roads ang nalinis na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Batay ito sa ipinalabas na report ni MMDA General Manager Jojo Garcia matapos ang kanyang pakikipagpulong sa mga Alkalde sa Metro Manila para talakayin ang nasabing kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Garcia, iniulat ng Marikina City na nalinis na nito ang lahat ng kanilang national at inner roads habang nabawi na rin ng Pasay City ang lahat ng kanilang pangunahing kalsada nito bagama’t 25% pa lamang sa kanilang mga inner roads.
Nalinis na rin aniya ng Caloocan, Muntinlupa, Malabon at Mandaluyong ang lahat ng kanilang mga national roads habang sa Manila, Las Piñas at Pateros ay 90% na.
Habang nagpapatuloy naman ang ginagawang paglilinis ng mga lungsod ng Pasig, San Juan, Navotas at Parañaque pero tiwala pa rin silang maaabot ang itinakdang deadline ng DILG.