Umaabot na sa 90,000 face mask na gawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang kanilang naipamahagi sa mga health workers at iba pang mga frontliners.
Ayon kay TESDA Director General Isidro Lapeña, nagsimula ang kanilang produksyon ng mga face masks bago pa man ideklara ang enhanced community quarantine.
Ito aniya ay bahagi ng kanilang paghahanda para sa inaasahang worst case scenario sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa.
Sinabi ni Lapeña, agad siyang nagpalabas ng direktiba na nag-aatas sa lahat ng TESDA institutions at training centers na mayroong kurso sa pananahi ang paggawa ng mga face masks at face shields kasunod ng pagtaas sa demand para dito.
Dagdag ng opisyal, tuloy-tuloy pa rin ang paggawa nila ng mga face masks at libreng pamamahagi sa mga nangangailangang frontliners.