Nagparehistro para sa COVID-19 vaccination ang halos lahat ng empleyado ng Philippine General Hospital (PGH).
Ayon kay Dr. Jonas Del Rosario, PGH spokesman, nasa 94% o katumbas ng 5,640 mga kawani kabilang na ang non-medical personnel ang nagparehistro para sa pagtanggap ng bakuna kontra COVID-19.
Ani Del Rosario ilan sa mga hindi nagparehistro ay dahil may sakit, habang ang ilan naman ay gusto pang hintayin o obserbahan ng mas mahabang panahon ang epekto ng bakuna sa mga naturukan na.
Mayroon din aniya talagang iba ang paniniwala sa bakuna na hindi naman nila pupwedeng baguhin.
Bilang isa sa mga COVID-19 referral hospital, kabilang ang PGH sa mga prayoridad pagdating sa distribusyon ng bakuna.