Tinatayang siyamnapo’t anim na porsyento (96%) ng mga Pilipino ang may pag – asang sasalubungin ang 2018 sa halip na matakot.
Ayon ito sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan nalampasan nito ang 95% na naitala noong 2002, 2001 at 2016.
Itinuturing din ito na all time high simula nang itanong ang nasabing survey question noong 2000.
Batay pa sa survey, apat na porsyento (4%) lamang ng mga respondent ang nagsabing may takot nilang sasalubungin ang bagong taon at ito naman ay pinakamababang iskor na naitala simula noong 2011.
Binigyang – diin naman ng SWS na ang pag – asa para sa Bagong Taon ay palagi namang mataas, base na din sa kanilang mga survey.
Ang fourth quarter 2017 Social Weather Survey ay isinagawa noong Disyembre 8 hanggang 16 sa 1, 200 respondents.