99 sa 696 na tauhan ng Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3) ang nagpositibo sa covid-19 antigen test makaraang iobliga ang mga ito na sumailalim sa swab test sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng virus sa Metro Manila.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), sasailalim pa sa confirmatory rt-pcr test ang mga nagpositibo sa virus at maging ang kanilang direct contacts.
Ang 696 na mga tauhan ng MRT 3 ay kabilang sa unang batch ng mga sumailalim sa swab test, alinsunod sa direktiba ni Transport Secretary Arthur Tugade upang matiyak ang kaligtasan ng transport stakeholders at mga pasahero.
Sinabi pa ng DOTr na magpapatuloy ang antigen testing at confirmatory rt-pcr testing hanggang sa lahat ng personnel ay masuri.