Umabot sa 75 indibidwal ang napatay umano ng Ethiopian security forces sa madugong ethnic violence noong Hunyo at Hulyo ng nakaraang taon matapos itumba ang sikat na singer na si Hachalu Hundessa.
Ito ang nabunyag sa inilabas na report ng Ethiopian Human Rights Commission kung saan bukod sa mga nasawi ay sinasabing mahigit 200 din ang nasugatan sa karahasan.
Itinuturing itong ‘crimes against humanity’ ng grupo dahil ilan umano sa mga napaslang ay pinugutan, tinortyur at kinaladkad sa kalsada ng mga salarin.
Matatandaang nag-aklas ang mga tao sa Ethiopia matapos mapatay sa pamamaril si Hachalu na bukod sa pagiging singer ay isa ring aktibista.