Nasilip ni Senador Panfilo Lacson ang umaabot sa P489-bilyon na posibleng unconstitutional at ilegal na items sa panukalang 2021 national budget.
Ayon kay Lacson, P396-bilyon sa nabanggit na halaga ang nasa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Aniya, pawang lump sum ang naturang alokasyon dahil hindi naka-itemize ang mga ito na labag sa ruling ng Korte Suprema.
Ani Lacson, halimbawa nito ang alokasyon ng P2-milyon hanggang P7-milyon na budget para sa preventive maintenance o kaya ay rehabilitation ng mga nasirang lansangan pero walang ibang detalye.
Mayroon din aniyang mahigit 2,900 items para sa reappropriations o proyekto na napondohan na ngayong taon pero pinabibigyan muli ng pondo sa ilalim ng 2021 budget na umaabot sa P73.5-bilyon.
Kasunod nito, pinasabihan ni Lacson ang DPWH na magsumite ng revised na listahan ng kanilang mga programa, aktibidad at proyekto bago pa aniya may magka-interes na mag-realign ng mga nabanggit na halaga.
Ipinaliwanag naman ni Budget Secretary Wendell Avisado na ang mga naulit na pondohan sa 2021 ay mga proyektong hindi natapos ngayong taon dahil kinuha ng pondo upang magamit sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).