Pinangunahan ni Atty. Argel Cabatbat ang isang mahalagang dayalogo katuwang ang libu-libong magsasaka mula sa Aurora, Zambales, Bataan, Pampanga, at Mindanao.
Ito’y upang iparating ang kanilang hinaing sa patuloy na pagtaas ng presyo ng palay, isang suliranin na nagiging sanhi kaya hindi na natutugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Nauna nang tinanggap ni dating DILG Secretary Benhur Abalos ang hamon ni Cabatbat na personal na mapakinggan ang mga hinaing ng mga magsasaka, partikular na ang negatibong epekto ng Rice Tariffication Law.
Ayon kay Cabatbat, naging sanhi rin ng matinding depresyon sa hanay ng mga magsasaka ang naturang batas, na ikinalungkot nilang humantong sa pagkamatay ng dalawa nilang kasamahan.
Binigyang-diin ni Cabatbat, dating kinatawan ng Magsasaka Party-list, ang pangangailangang amyendahan ang Rice Tariffication Law na lalong nagpapahirap sa kalagayan ng mga magsasaka sa buong bansa.
Samantala, tiniyak naman ni Abalos na handa silang magbigay ng kaukulang tulong para sa mga magsasaka at suportahan ang anumang hakbang na makatutulong sa pag-angat ng kanilang kabuhayan.
“Yung pagko-convert ng sakahan sa mga subdivision, ito’y sintomas na may problema talaga sa agrikultura. Kung ito’y palalakasin natin…’di na magko-convert ang mga magsasaka. Dahil mapipilitan silang ibenta ang kanilang mga lupa kung kakailanganin nila ng pera at sila’y nalulugi. Kaya dapat pakinggan natin sila. Gawin nating produktibo ang kanilang lupa,” giit ni Abalos sa nasabing dayalogo.