Pormal nang inendorso ng Citizen Crime Watch Internationale (CCWI) ang dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Benhur Abalos para sa pagka-senador sa darating na halalan sa Mayo 2025.
Nabatid na ang pormal na anunsiyo ay ginawa ni CCWI Founder at National Chairperson Mitch Botor sa Membership Meeting ng CCWI Pasay Chapter na ginanap sa Kalayaan Village, Pasay City, na dinaluhan ng mahigit 2,000 miyembro.
“Si Benhur Abalos ay isang lider na tumutupad sa kanyang mga pangako,” ani Botor. “Ang kanyang pamumuno sa DILG ay nagpakita ng matatag at epektibong pamamaraan sa paglaban sa krimen, ilegal na droga, at sistematikong korapsyon. Ito ang uri ng pamumuno na kailangan natin sa Senado.”
Iginiit ni Botor ang mga nagawa ni Abalos noong siya ay nanungkulan bilang DILG Secretary mula Hunyo 30, 2022, hanggang Oktubre 7, 2024. Sa kanyang pamumuno, inilunsad ang programang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA), na nagresulta sa 700% pagtaas ng nakumpiskang ilegal na droga kumpara sa mga nakaraang administrasyon.
“Hindi lang siya nagsalita tungkol sa reporma—ipinakita niya ito sa gawa,” dagdag ni Botor. “Mula sa pagpuksa ng mga sindikato ng droga, digitalisasyon ng lokal na pamahalaan, hanggang sa integrasyon ng mga dating rebelde sa pwersa ng pulisya upang makamit ang kapayapaan sa Mindanao, nagdala siya ng matapang at makabuluhang pagbabago.”
Mismong si Abalos ang nanguna sa makasaysayang integrasyon ng 400 dating rebeldeng Moro sa Philippine National Police (PNP), isang mahalagang hakbang sa pagpapanatili ng kapayapaan sa katimugang bahagi ng Pilipinas. Noong Setyembre 2024, kinilala si Abalos bilang pinakamahusay na miyembro ng Gabinete, habang ang DILG naman ay pinarangalan bilang pinaka-pinagkakatiwalaang ahensiya ng pamahalaan sa bansa. Bukod dito, pinangunahan din niya ang digital na transformasyon ng mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Electronic Local Government Unit (eLGU) system.
“Ang kanyang dedikasyon sa mabuting pamamahala at digital na inobasyon ay nagpapakita na nauunawaan niya ang pangangailangan ng ating bansa—hindi lamang matatag na pamumuno kundi matalinong pamamahala,” sabi pa ni Botor.
Napag-alaman na ang Citizen Crime Watch Internationale ay itinatag noong 2020 bilang isang legal na rehistradong, independiyenteng non-government organization na may mahigit 1.3 milyong miyembro sa buong bansa. Ito ay nagsisilbing tagapagbantay ng sibilyan at grupo ng adbokasiya na nakikipagtulungan sa mga awtoridad upang isulong ang pampublikong kaligtasan, edukasyon laban sa scam, at kamalayan sa anti-graft.
Maliban kay Abalos, inendorso rin ng CCWI ang kanilang National President na si dating Philippine National Police (PNP) General at abogado na si Atty. Escobal, na tumatakbo rin bilang senador. Ayon kay Botor, sina Abalos at Escobal lamang ang dalawang kandidatong senador na nakatanggap ng opisyal na suporta mula sa organisasyon.
“Hindi basta-basta ang pagbibigay namin ng suporta,” giit ni Botor. “Sinusuportahan lamang namin ang mga kandidatong napatunayan na ang dedikasyon sa laban kontra krimen at korapsyon—hindi lamang sa salita kundi sa gawa.”
Samantala, ipinaliwanag din ng CCWI na hindi sila konektado sa iba pang organisasyon na may katulad na pangalan at sila ay ganap na independiyente sa ilalim ng sariling rehistrasyon sa Securities and Exchange Commission (SEC) at pambansang pamunuan.