Inaasahang magkakaroon na ng tunay na pagbabago sa Philippine sports.
Ito’y matapos manalo si Amateur Boxing Association of the Philippines o ABAP Chief Ricky Vargas laban kay Peping Cojuangco sa eleksiyon ng Philippine Olympic Committee o POC na idinaos sa Wack Wack Country Club sa San Juan City.
Humakot ng dalawampu’t apat (24) na boto si Vargas habang labing-lima (15) naman ang nasungkit ni Cojuangco kaya’t nagwakas na ang labin-tatlong (13) taon niyang paghahari sa POC.
Nagsilbi si Cojuangco bilang POC Chief simula pa noong 2004 habang si Vargas naman ang itinanghal na ika-siyam na pinuno ng Olympic body.
Samantala, nanalo rin ang kaalyado ni Vargas na si Cycling President Representative Abraham Tolentino laban kay Table Tennis Head Ting Ledesma para sa chairmanship ng POC.
Umaasa naman ang grupo ni Vargas na pagkakataon na ito para makapagsulong ng pagbabago sa kalagayan ng mga manlalaro at sa Philippine sports, sa kabuuan.
—-