Kinasuhan ng pagpapabaya sa tungkulin ang mga opisyal na namamahala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Pormal na sinampahan ng kaso at ipinasususpindi sina Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Jun Abaya, Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado at PNP Aviation Security Group Director Francisco Balagtas.
Ayon kay Dante Jimenez ng VACC o Volunteers Against Crime and Corruption, ang complainant sa kaso, malinaw na naging pabaya sa kanilang tungkulin ang mga opisyal na namamahala sa NAIA kaya’t lumaganap ang sindikato ng laglag bala.
Samantala, tiniyak ni Ombudsman Conchita Carpio – Morales na daraan sa tamang proseso ang inihaing kaso laban kina Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya at MIAA General Manager Jose Anghel Honrado.
May kaugnayan ito sa tila pagpabaya umano ng dalawang opisyal sa sunud-sunod na insidente ng umano’y tanim bala sa loob ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Ayon kay Morales, bibigyan ng sapat na panahon ang dalawang panig para mailahad ang kani-kanilang argumento at depensa sa usapin.
Kasunod nito, inatasan na rin ni Morales ang Deputy Ombudsman for Military and Other Law Enforcement Offices o MOLEO na siyang humawak at magproseso sa nasabing kaso.
By Len Aguirre | Jaymark Dagala | Jill Resontoc (Patrol 7)