Kibit-balikat lamang si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya sa mga panawagang siya’y magbitiw na sa puwesto.
Inihayag ito ng Kalihim sa kaniyang pagharap sa pagdinig ng senado, binigyang diin ni Abaya na isang pribilehiyo at hindi karapatan ang manungkulan sa pamahalaan.
Sa kabila ng mga batikos na kaniyang inaabot dahil sa mga problemang pang-transportasyon, sinabi ni Abaya na nakatutulog pa naman siya ng mahimbing sa gabi.
Sen. Poe may pahiwatig
Nagpahiwatig si Senadora Grace Poe na dapat nang palitan sa puwesto si Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya.
Sinabi ni Poe na siyang Chairman ng Senate Sub-Committee on Public Services, karapatan ng publiko na magkaroon ng mas mahusay na Transportation Secretary.
Bagama’t hindi naman aniya matatawaran ang katalinuhan ni Secretary Abaya, sinabi ni Poe na hindi ito sapat para matutukan ng husto at matugunan ang mga problemang kinahaharap ng ahensya.
Marami ang nangangamba na madiskaril ang operasyon ng DOTC kapag sinibak sa puwesto si Abaya gayung ilang buwan na lamang bago ang halalan, ngunit tanong ng senadora, tama ba na magtiis na lamang ang publiko.
By Jaymark Dagala | Cely Bueno (Patrol 19)