Pinagaganda na ng bagong maintenance contractor ng Metro Rail Transit o MRT-3 ang train system.
Ito ang inihayag ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Jun Abaya kasunod ng rekomendasyon ng senado na kasuhan ito ng katiwalian bunsod ng umano’y mga kapalpakan sa MRT-3.
Pero, sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Abaya na hindi sila nagpapabaya sa trabaho at sa katunayan ay sinisimulan na ng Busan Transport Corp. ang pagpapalit sa ilang bahagi ng sistema para sa kapakanan ng mga mananakay.
Tiniyak din ni Abaya na mahigpit ang ginagawang maintenance sa mga tren ng MRT.
Sa katunayan aniya ay nakatutok ang kinuha nilang maintenance provider sa mga tren habang nakaumang na rin ang pagpapalit ng mga schindler escalators sa mga istasyon ng MRT.
Kasado na rin ang mga dagdag na bagon na sumasalang na rin sa testing.
“Papalitan na mismo yung sistema hindi lang piyesa kundi sistema mismo at yan ang pino-procure natin ngayon, yung karagdagang bagon, yung ikalawa ay napapatakbo na namin sa loob ng depot para gawin ang ilang testing, tila yata maaga, next week patatakbuhin na natin sa riles mismo during off revenue hours kung saan di po siya nag-ooperate para tapusin po ang required na 5,000 kilometers test, mga 400 kilometro ang itinakbo na sa Dalian, dito po natin tatapusin dahil ang advice ng engineers at consultant dapat nating i-testing kung saan siya mag-ooperate.” Pahayag ni Abaya.
By Jelbert Perdez | Judith Larino | Ratsada Balita