Nagpahayag ng isang daan porsyentong pagsuporta si Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa Chairmanship ng Pilipinas sa ASEAN Summit ngayong taon.
Ito ang ipinaabot ni Abe sa kanilang meeting sa Malacañang kung saan sinabi nitong malaking karangalan para sa kanya na bumisita sa Pilipinas na siyang una nitong destinasyon sa taong ito upang bigyang-halaga ang bilateral relations ng Japan at Pilipinas.
Ayon kay Abe, nagagalak siya sa muli nilang pagkikita ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumisita naman sa Japan noong October lamang.
Samantala nakatakda, aniya, silang magtungo ng kanyang kabiyak sa Davao para makita ang lugar ng Presidente.
Tiniyak din ni Abe na iaakyat nito sa mas mataas na level ng commitment ang bilateral relationship ng Pilipinas at Japan.
Palalawakin, aniya, nito ang mga aspetong maaaring pakinabangan ng dalawang bansa.
Hinimok din ni Abe na makipagtulungan si Pangulong Duterte sa pagharap sa mga hamon sa Asia Pacific Region.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping