Wala ng rason upang dumalo pa sa mga pagdinig ng senado sina Davao City vice mayor Paolo Duterte at bayaw nitong si Atty. Manases Carpio upang sagutin ang mga alegasyong sangkot sila sa smuggling activities at katiwalian sa Bureau of Customs.
Ayon kay presidential spokesman Ernesto Abella, nilinaw na ng broker na si Mark Taguba ang mga pahayag nito na naglilinis sa pangalan nina Duterte at Carpio sa kanila umanong pagkakasangkot sa smuggling.
Ito, anya, ay kahit nagpahayag na ng kahandaang dumalo ang mag-bayaw sa pagdinig sakaling ipatawag ng senado.
Ipinaliwanag ni Abella na nirerespeto ng ehekutibo ang independence ng senado bilang co-equal branch sa gobyerno.
Magugunitang humingi ng paumanhin si Taguba sa bise alkalde maging sa bayaw nito dahil sa sinasabing “fake news” hinggil sa kanilang pagkakasangkot sa kontrobersya sa aduwana.