Maaaring magdalawang-isip ang mga nagbabalak bumisita sa bansa ngayong taon at malaki ang magiging epektong dulot nito sa ekonomiya at pagsusumikap ng pamahalaan na ipromote ang Pilipinas.
Ito ang reaksyon ni Senate Committee on Tourism chairperson Nancy Binay makaraang mabahala sa nangyaring aberya sa NAIA dahilan para mapilay ang operasyon at makansela lahat ng flights.
Ayon kay Sen. Binay, mabuti na lamang at walang nangyaring anumang aksidente dahil sa technical glitch sa unang araw ng taong 2023.
Ngayon anyang nagbubukas na ang turismo ng bansa ay hindi na dapat maulit ang ganitong aberya lalo’t mag-ho-host pa naman ang Pilipinas ng maraming international events ngayong taon, kabilang na ang 2023 FIBA World Cup.
Aminado ang mambabatas na nakalulungkot na laman ng bawat balita sa ibayong dagat ang nangyaring aberya sa NAIA, na pangunahing international airport ng bansa.
Kaya’t ang tanong ni Binay, paano anya magagarantiyahan sa mga dayuhang guest o turista na maganda ang magiging karanasan nila sa bansa kung hindi mahahanapan ng solusyon ang problema sa ating public transport system.
Dahil dito, umapela ang Senadora sa Department of Budget and Management tulungan ang Civil Aviation Authority of the Philippines na humanap ng kinakailangang pondo para sa modernisasyon. – ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)