Iuuwi sa Isabela ang abo ni dating Senador Heherson Alvarez na pumanaw nitong Lunes dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Hexilon Alvarez, anak ng yumaong dating senador, dadalhin aniya ang mga abo ng kanyang ama sa kapitolyo ng Santiago City para masilayan ng mga Isabelino.
Kasunod nito, nagpasalamat ang nakababatang Alvarez sa lahat ng nagpaabot ng pakikiramay at pagdadalamhati sa pagpanaw ng dating senador, maging sa mga COVID-19 survivors na nag-donate ng kani-kanilang mga dugo na ginamit naman sa kanyang ama bilang experimental convalescent plasma.
Samantala, ayon naman kay Senate Majority Floor Leader Senador Migz Zubiri, nakatakdang magbigay-pugay ang mataas na kapulungan sa mga ambag ng yumaong dating senador sa pagbabalik sesyon nito sa ika-4 ng Mayo.