Nagtataka si Blue Ribbon Committee Chairman, Senator Richard Gordon kung bakit kailangang magkunwari o itanggi ng abogadong bumisita sa mag kapaitd na Mohit at Twinkle Dargani na siya yung nasa directory ng Office of the President.
Ayon kay Senator Gordon, kahapon ay pumunta sa Senado ang nagpakilala na Atty. Daryl Ritchie Valles kung saan humingi ito ng permiso na mabisita ang magkapatid na Dargani dahil abogado daw siya ng magkapatid.
Bago pinayagang makabisita, inalam muna ng Blue Ribbon Committee kung sino itong si Atty. Valles at lumitaw sa directory ng Office of the President na ito ay Director IV sa Office of the Special Assistant to the President (SAP), ang posisyon na dating okupado ni Senator Christopher Bong Go.
Nang tanungin ng Senate Sergeant at Arms si Atty. Valles kung siya yung nasa directory ng Office of the President, itinanggi nito na taga Malacañang siya bagamat inamin na taga Davao siya.
Ayon kay Gordon , matapos ang pagbisita muling tinanong si Atty. Valles ng OSAA kung siya yung taga Malacañang, umamin na ito pero iginiit na nagbitiw na daw siya sa puwesto noong nakalipas na buwan ng Pebrero.
Kwestyun ni Gordon, bakit kailangang itago noong una ni Atty. Valles ang mahalagang impormasyon ukol sa kanya.
Ang pagtatangka anya na itago ang naturang impormasyon ay nagdulot ng mas maraming katanungan. —sa ulat ni Cely Ortega Bueno (Patrol 19)