Sinisikap ng abogado ng Piston 6 na mapabilis ang validation ng estafa case na ‘di umano’y kinakaharap ni Tatay Elmer, isa sa Piston 6 na 72 taong gulang na.
Matatandaan na pinayagan nang makapagpiyansa at nakalaya na ang apat sa Piston 6 maliban kay Elmer Cordero na may kaso pa umanong estafa at Wilson Ramilla na may hijacking case noong 2002.
Ayon kay Atty. Vj Topacio, abogado ng Piston 6, sinabi ni Ramilla na napagsilbihan na niya ang kanyang sentensya samantalang hindi naman umano maalala ni Tatay Elmer ang sinasabi sa kanyang kaso ng estafa.
Sinabi ni Topacio na umaasa siyang maisasaayos nila sa madaling panahon ang pagpapalaya kay Tatay Elmer at Ramilla dahil vulnerable sila sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kanilang edad kung magtatagal sa kulungan na walang social distancing.
Ang nagpapalakas na lamang anya sa loob ng dalawa ay ang pagdagsa ng tulong mula sa mga ordinaryong Pilipino.
Ang Piston 6 ay inaresto matapos lumahok sa rally upang igiit na payagan nang makabalik sa kalsada ang mga jeepneys.