Patay ang isang abogado matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang salarin sa bayan ng Narra, lalawigan ng Palawan.
Batay sa ulat ng MIMAROPA PNP sa Kampo Crame, kinilala ang biktima na si Atty. Eric Jay Aston Magcamit, residente sa Puerto Princessa City.
Mag-aala-7 ng umaga nitong Martes, habang binabagtas ng biktima ang National Highway sa Sitio Caraniogan sa Brgy. Malinao sa bayan ng Narra sakay ng kaniyang sasakyan nang bigla siyang harangin ng dalawang salarin.
Bumaba ang biktima sa kaniyang sasakyan at doon na siya pinagbabaril ng mga ito na nagresulta sa agaran niyang kamatayan.
Ayon naman sa Palawan Provincial Police Office, hawak na nila ang dash cam footage mula sa sasakyan ng biktima at naghananap pa sila ng iba pang ebidensya tulad ng CCTV upang malinawan sa nangyaring krimen.
Nabatid na matagal na umanong nakahahalata ang biktima na minamanmanan siya batay sa impormasyon mula mismo sa asawa nito na siyang ginagawang gabay ng mga pulis sa kanilang imbestigasyon. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)