Sugatan ang isang abogado matapos tambangan ng dalawang salarin kagabi sa bahagi ng Macapagal Blvd. Pasay City.
Kinilala ang biktima na si Atty. Joseph Samuel Zapata, 30-anyos na isang legal officer ng Bureau of Customs (BOC) at residente ng San Isidro, Paranaque City.
Base sa nakuhang impormasyon ng mga otoridad, sakay ng isang Toyota Fortuner na may plate number na TP-7726 ang biktima nang dumating ang mga salarin sakay ng motorsiklo, saka pinagbabaril si Zapata.
Mabilis namang naisugod sa Manila Doctors Hospital ang biktima na ngayon ay patuloy na nagpapagaling.
Nakikipag-uganayan na ang Pasay City Police at mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa imbestigasyon sa naganap na insidente.
Nabatid na ito na ang ika-6 na insidente ng pag-atake sa mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) mula noong buwan ng Disyembre noong nakaraang taon. —sa panulat ni Angelica Doctolero