Ilalagay sa General Community Quarantine o GCQ with heightened restrictions ang Abra, Baguio City, at Bohol simula ngayong araw, Setyembre 24 hanggang 30, habang ang Ilocos Norte naman ay isasailalim sa GCQ.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, habang nasa GCQ with Heightened Restrictions ang nabanggit na mga lugar, ang indoor dine-in services ay maaaring mag-operate ng hanggang 20% venue o seating capacity, habang ang al-fresco o outdoor dine-in services naman ay papayagang makapag-operate ng hanggang 50% ng venue o seating capacity.
Ang mga beauty salons, beauty parlors, barbershops, nail spas at outdoor tourist attractions ay papayagan rin sa 30% venue capacity at dapat na nasusunod ang minimum public health standards.
Sinabi pa ni Roque na ang business establishments na mayroong safety seal certifications ay papayagang magdagdag ng 10% capacity.
Hindi naman papayagan ang mga meetings, incentives, conventions, at exhibitions events, maging ang social events sa mga venue establishments.
Bawal rin ang indoor sports courts at venues, maging ang indoor tourist attractions habang ang religious gatherings naman ay papayagan hanggang 10% ng venue capacity.—sa panulat ni Hya Ludivico