Isinailalim na sa kontrol o pamamahala ng Commission on Elections o COMELEC ang lalawigan ng Abra ilang araw bago ang halalan sa Mayo 9.
Gayunman, inihayag ni Abra Election Supervisor Atty. Mae Richelle Beronilla, hindi pa nakararating sa kanilang regional office ang resolusyon hinggil sa estado ng seguridad sa kanilang lalawigan.
Bagama’t kilala ang Abra sa may pinakamataas na insidente ng mga karahasan tuwing halalan, hindi ito isinama sa listahan ng election watchlist area ng poll body at ng pambansang pulisya.
Magugunitang isinailalim na rin sa COMELEC control ang nasabing lalawigan noong 2010 elections, ngunit nabali ito noong 2013 mid term polls dahil sa naging mapayapa naman ang takbo ng halalan dito.
By Jaymark Dagala